Hinarang, hinuli at inilagay sa impound ng Land Transportation Office (LTO) ang halos 30 unregistered luxury vehicles sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila nitong weekend, ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Ibinunyag ni Lacanilao na marami sa mga nahuling nagmamaneho ng mga mamahaling sasakyan ay walang valid driver’s license, dahilan upang agad na i-impound ang mga ito.
“Ang karamihan ng violation, magtataka kayo — ang mahal-mahal ng mga sasakyan, walang rehistro. Pangalawa, walang driver’s license ang karamihan, kaya po talagang ini-impound,” ani Lacanilao.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga Ford Mustang, Porsche, BMW, Mercedes-Benz, Jaguar, at Range Rover, bukod pa sa iba pang high-end models.
Ayon sa LTO, nalalaman ng kanilang enforcers sa spot inspection kung may rehistro ang sasakyan. Kapag pina-flag down, agad silang humihingi ng lisensya — isang requirement na marami sa mga driver ay hindi maipakita.
May ilan umanong nagsabing “wala silang oras” para iparehistro ang kanilang mga sasakyan, kabilang ang ilang dayuhan na may pribadong units.
Ngunit giit ni Lacanilao, hindi ito sapat na dahilan.
“Dapat iparehistro ang sasakyan. Kapag naaksidente ‘yan at walang rehistro, sila rin ang madedehado,” aniya.
Ano ang kailangan para ma-claim ang sasakyan?
Kailangang personal na pumunta sa LTO ang may-ari, magprisinta ng proof of ownership, magpaliwanag kung bakit ginagamit nang walang rehistro, at tapusin ang registration process bago marelease ang sasakyan.
Tinitingnan din ng LTO kung tatlo sa mga in-impound na luxury vehicles ay posibleng smuggled.
Nilinaw rin ni Lacanilao na hindi lamang mamahaling sasakyan ang kanilang hinuhuli.
“Hindi namin pinag-iinitan ang luxury vehicles. Lahat — ordinaryong sasakyan, SUV, AUV, van — basta may violation, hinuhuli talaga namin,” (Art Torres)
