Nananatiling Estados Unidos ang pangunahing destinasyon ng mga permanent at long-term Filipino migrants, na tinatayang nasa 4 hanggang 5.1 milyon ang bilang, pinakamalaki sa lahat ng bansa.
Sa Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni Commission on Filipinos Overseas (CFO) Secretary Dante Ang II na malaki ang impluwensiya ng mahabang ugnayan ng Pilipinas at US kaya nananatiling paboritong destinasyon ito ng maraming Pilipino.
Dagdag pa niya, marami sa mga anak ng migrants ang napapasailalim sa CFO, kabilang ang humigit-kumulang 25,000 Filipino students na nag-aaral sa 34 Philippine schools abroad na nagbibigay ng K-12 curriculum.
Sa unang buwan sa puwesto, sinabi ni Ang na ibinabalik nila ang ahensya sa pangunahing mandato nito na ituring ang mga overseas Filipinos bilang “strategic partners in national development.”
Kabilang dito ang pagbabantay sa operasyon ng Philippine schools abroad upang masiguro ang pagsunod sa permit at kalidad ng services, at ang pakikipag-ugnayan sa Department of Education upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng mga paaralan sa nakalipas na tatlong taon.
Ibinida rin ni Ang ang mga pangunahing programa ng CFO tulad ng Culture and Immersion Program kung saan nilalapit ang kulturang Pilipino sa mga kabataang ipinanganak o lumaki sa ibang bansa upang mapatatag ang kanilang identity at ugnayan sa Pilipinas. Lingkod sa Kapwa Pilipino (LINKAPIL) na philanthropic arm ng CFO na nagtatala ng tinatayang P3.4 bilyong donasyon sa mga proyektong pangkabuhayan, imprastraktura, scholarship, at komunidad. At ang Investment and Local Engagement Programs na hinikayat ang diaspora na lumahok sa turismo, negosyo, at pag-unlad sa kani-kanilang mga probinsya.
Inamin din ng kalihim na may 138 personnel lamang ang CFO, na nakabase sa Pasay at satellite offices sa Baguio, Cebu, Davao at Puerto Princesa.
Wala silang opisina sa abroad, kaya umaasa sila sa one-country team approach sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Migrant Workers Office (MWO).
Kabilang sa trabaho ng CFO ang paghaharang ng trafficking, pag-review sa background ng foreign partners, at pagpapalaki ng guidance and counseling program para sa interracial marriages.
Ayon sa datos ng CFO, ang US pa rin ang top destination ng marriage migrants sa nakaraang dekada (81,000), kasunod ang Japan at Australia. Bumaba ang bilang ng marriage migrants noong pandemya ngunit unti-unting bumabalik sa average na 17,000 kada taon.
Tinukoy din ni Ang na nananatiling solid ang pagmamahal at suporta ng Filipinos abroad sa Pilipinas, anuman ang political climate sa bansa.
Ibinahagi niya ang pag-aaral ni Professor Paul Fleury, isang Yale professor emeritus, na nagsasabing kada $1,000 na pagtaas ng kita ng isang Filipino abroad, tumataas din ang kanilang kontribusyon sa Pilipinas ng 13–17%.
Sa usapin ng mahigpit na immigration enforcement sa Amerika, sinabi ni Ang na DFA ang nangunguna sa pagtulong sa mga Pilipinong nasa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) custody.
Ayon sa impormasyon ng DFA, nasa 20 Filipinos pa lamang ang may deportation cases, malayo sa mas mataas na bilang sa ibang bansa sa Latin America.
Payo ng gobyerno sa mga overstaying Filipinos: na sumunod sa US immigration laws at kung sakaling wala nang paraan, mag-voluntary repatriation upang maiwasan ang permanent ban.
Giit ni Ang, hindi humihina ang ugnayan ng mga Pilipino sa kanilang bansa.
“Hindi nawawala ang puso ng Pilipino, kahit nasaang bansa sila,” ani ni Ang.
Patuloy umano ang CFO sa pagpapalakas ng mga programa para mapanatiling konektado, protektado, at matagumpay ang mga Pinoy saan mang panig ng mundo. (Mina Paderna)
