ITINUTURING ngayon na bayani ang isang Filipina domestic worker sa Hong Kong matapos niyang iligtas, ang 3-buwang gulang na sanggol na inaalagaan niya sa gitna ng matinding sunog sa Tai Po District.
Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Rhodora “Jackie” Alcaraz, 29-anyos at bagong dating na OFW, ay nasa mabuti ng kalagayan.
Nag-umpisa ang sunog noong Nobyembre 26 sa Wang Fuk Court, na mabilis na pinuno ng makapal na usok ang gusali.
Sa halip na unahing iligtas ang sarili, pinili ni Alcaraz na harangan ang usok at protektahan ang sanggol, buhat-buhat habang inaantay ang mga rescuer.
Mahigpit niyang niyakap ang bata hanggang sa malanghap niya ang makapal na usok at tuluyang mawalan ng malay. Pareho silang nailigtas, kasama ang ina ng sanggol.
Isang araw pa lamang sa Hong Kong si Alcaraz nang mangyari ang trahedya.
Ayon sa kanyang mga kapatid, nasa ICU si Alcaraz at kinabitan ng iba’t ibang life-support equipment.
Bumista na ang lokal na tanggapan ng OWWA at nagbigay ng food assistance, ngunit humihiling ang pamilya ng tulong upang makabiyahe ang isa sa kanila patungong Hong Kong para maalalayan si Jackie sa kanyang paggaling.
Dinalaw na rin si Alcaraz ng mga opisyal ng OWWA sa Hong Kong, Philippine Consulate, at Migrant Workers Office upang iparating ang suporta ng pamahalaan.
“Marami ang humanga sa kaniyang kabayanihan — isang tunay na modern-day hero at huwaran ng malasakit at tapang ng Pilipino sa ibang bayan,” ayon sa OWWA.
Binisita rin siya ni Sen. Imee Marcos upang tiyakin ang kanyang kalagayan.
Samantala, mahigit 100 ang nasawi sa naturang sunog at higit 200 ang nawawala. Labing-tatlong Pilipino pa ang hindi matunton, habang kinumpirma rin ang pagkamatay ng isa pang OFW na si Maryan Pascual Esteban.
