Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang dating Cebu City administrator at 10 pang opisyal matapos umanong payagan ang sobrang laki at iligal na singil sa pagtatapon ng basura na umabot sa P239.73 milyon.
Kabilang sa mga kinasuhan si dating administrator Floro Casas Jr., na sinasabing pumirma at nag-apruba sa mga umano’y napalaki at pinalobong billing ng contractor.
Imbes na P600 per ton ang nasa kontrata ay P1,800 per ton ang ibinayad umano ng lungsod, o tatlong ulit na sobra sa dapat.
Inaprubahan ang mga kaso noong Oktubre 6 ni dating acting Ombudsman Dante Vargas, base sa rekomendasyon ni Graft Investigation and Prosecution Officer Carla Chaves-Gonzaga.
Ni-raffle ang mga kaso sa 6th at 1st Divisions ng Sandiganbayan nitong Biyernes, Nobyembre 28.
Humiling ang mga prosecutor na itakda ang piyansa sa P90,000 para sa bawat akusado sa kaso ng graft, habang walang piyansa naman ang rekomendasyon para sa kasong malversation.
Kasama sa mga lokal na opisyal na kinasuhan sina Allen Ceballos, Recreation and Welfare Services inspection officer; John Jigo Dacua, hepe ng Department of Public Services; Romelito Datan, Local Treasury Operations inspector; Grace Luardo-Silva, OIC ng Garbage Collection and Disposal; Jerome Ornopia, city accountant; at Mare Vae Reyes, acting city treasurer.
Kasama ring kinasuhan ang tatlong pribadong opisyal mula sa DOCAST Construction/JJ and J Construction and General Supply na sina John David Javier, operations manager; Jayra Angelic Ruiz-Javier, managing officer; at Erika May Quino, encoder.
Ayon sa Ombudsman, nagkuntsabahan umano ang mga opisyal at contractor sa paulit-ulit na pag-apruba ng hindi tinitingnang billing, na nagresulta sa daang-milyong overpayment at pagbibigay ng hindi nararapat na benepisyo sa contractor.
Patuloy na iniimbestigahan ang kaso habang nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Sandiganbayan.
