Nagpahayag ng pasasalamat ang Department of Education National Employees’ Union (DepEd-NEU) sa pamunuan ng DepEd dahil sa tuloy-tuloy na suporta nito sa unyon, kabilang na ang matagumpay na pagpapatupad ng Collective Negotiation Agreement Incentive (CNAI) 2025.
Ayon kay DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon, nangako ang DepEd management, sa pamamagitan ni Undersecretary for Operations Malcolm Garma, na magkakaloob ng humigit-kumulang P10,000 na CNAI incentive.
Pinuri ni Alidon ang DepEd sa pagtulong sa pagsasagawa ng iba’t ibang union activities gaya ng mga assembly at conference, na anila’y mahalagang bahagi ng pagpapalakas ng kanilang organisasyon.
Partikular niyang binigyang-diin na hindi magiging matagumpay ang 17th DepEd NEU National Congress kung wala ang suporta ng pamunuan mula central office hanggang regional, division, at school level.
Kinilala rin ni Alidon ang DepEd sa pagrespeto at pagkilala sa mahalagang papel ng non-teaching personnel sa pagpapatakbo ng ahensya.
“Sa ngalan ng mga miyembro at opisyal ng NEU, nagpapasalamat kami sa DepEd sa pagsuporta sa mga aktibidad ng unyon at sa pagkilala na ang mga non-teaching personnel ang gulugod ng departamento—na kung wala sila ay hindi tatayo ang DepEd,” ayon kay Alidon. (Arnold Pajaron Jr)
