Sinuspinde muna ng Land Transportation Office (LTO) ang implementasyon ng impounding ng mga e-bikes at e-trikes na mahuhuling bumabaybay sa national highways simula Lunes, Disyembre 1.
Sa isang video statement nitong Linggo, inihayag ni LTO chief Markus Lacanilao na ang “strict enforcement” ng impounding ay ililipat sa Enero 2, 2026, upang bigyang-daan ang isang malawakang information drive para sa mga motorista.
Ayon kay Lacanilao, ang aksyon ay tugon sa hinaing ng publiko kaugnay ng anunsyo ng pagbabawal sa light electric vehicles (LEV) sa mga national road.
“Walang impounding operations sa ngayon. Narinig ng Pangulong Bongbong Marcos at ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang inyong mga concerns,” pahayag ng LTO chief.
Dagdag pa niya, sa halip na agad magpatupad ng parusa, uunahin muna ng ahensya ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa tamang paggamit ng e-vehicles at kung saang mga lugar pinapayagan o ipinagbabawal ang mga ito.
Simula Lunes, mas magiging visible sa mga kalsada ang mga tauhan ng LTO upang ipaliwanag sa mga motorista ang patakaran at layunin ng regulasyon.
Paglilinaw pa ni Lacanilao, hindi na palalawigin ang palugit pagdating ng Enero 2, 2026. Sa petsang iyon ay tuloy-tuloy nang ipatutupad ang impounding at pag-apprehend sa mga lalabag sa pagbabawal sa national highways.
Binanggit ng LTO na ang hakbang ay hindi para pahirapan ang publiko, kundi upang tiyaking ligtas at maayos ang daloy ng trapiko para sa lahat ng road users.
Kamakailan, inihayag ng LTO ang planong pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa national roads matapos maitala ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito. “Ang layunin namin ay simple, kaligtasan sa kalsada para sa lahat,” ayon kay Lacanilao.
