LAOAG CITY, Ilocos Norte — Naging makabuluhang pagtitipon ang 2025 National Science, Technology and Innovation Week (NSTW) matapos magsama-sama ang siyentista, guro, mananaliksik at science advocates sa BSP–S&T Fellows Collab Activity.
Ito’y isang programa na hindi lamang nakatuon sa talino, kundi sa tunay na diwa ng pagtutulungan.
Sa halip na karaniwang serye ng presentasyon, nagmistulang espasyo ang aktibidad para sa pagbabahagi ng karanasan, pagbuo ng koneksyon at pagkilala na ang pagpapalakas ng research and development (R&D) ay nagsisimula sa mas malalim na ugnayan ng mga tao.
Binuksan ang programa ng mga mensahe mula sa pambansang lider ng agham.
Binigyang-diin ni DOST Undersecretary Leah J. Buendia ang kahalagahan ng pinagsamang expertise at pagkakaisa sa pagtatakda ng national research priorities, na dapat umanong magkakaugnay at hindi magkakahiwalay na proyekto.
Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na ang siyensiya ay nagsisimula sa curiosity ngunit nagiging tunay na makabuluhan lamang kapag nagbubunga ng solusyon para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng lipunan.
Pinuri rin niya ang Balik Scientist Program at S&T Fellows Program na patuloy na nagpapalawak ng technical capacity sa iba’t ibang rehiyon.
Umarangkada ang kalakhan ng programa sa mga interaktibong segment na “Challenges ni Kuya” at “Nomination/Big Night ni Kuya,” kung saan sabay-sabay na hinarap ng mga lumahok ang scenario-based challenges na hango sa aktwal na problema sa larangan ng siyensiya at teknolohiya.
Dito nasilayan ang natural na pag-usbong ng teamwork, brainstorming at malikhaing problem solving, patunay na ang matatag na R&D ay nabubuo kapag pinagsasama ang iba’t ibang pananaw at talento.
Nagtapos ang aktibidad sa awarding of certificates, photo ops, at networking sessions na puno ng init, saya at pag-asa.
Sa kanyang closing message, hinimok ni Undersecretary Teodoro M. Gatchalian ang pagpapatuloy ng kolaborasyon at R&D initiatives na magdadala ng pag-unlad sa komunidad.
Pag-alis ng mga kalahok, baon nila ang mas matibay na koneksyon, bagong ideya at mga ugnayang maaaring maging daan sa mas malawak at mas makabuluhang research landscape para sa mga rehiyon at para sa buong bansa. (Mina Paderna)
