Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng regional at field offices nito na bantayan ang mahigpit na pagsunod ng mga kumpanya sa mandatoryong pagbibigay ng 13th month pay sa mga manggagawa.
Sa Labor Advisory No. 16-2025, sinabi ng DOLE na dapat tiyaking sumusunod ang lahat ng establisyimento sa Presidential Decree No. 851, na nagtatakda ng obligasyong ibigay ang 13th month pay sa mga empleyado.
“Compliance with the 13th month pay shall be monitored by the appropriate DOLE Regional/Field/Provincial Office having jurisdiction over the workplace,” ayon sa pahayag ng ahensya nitong Biyernes.
Nilinaw ng DOLE na walang exempted sa batas — lahat ng kumpanya ay kinakailangang magbigay ng 13th month pay. Saklaw nito ang lahat ng rank-and-file employees, anuman ang kanilang posisyon, kontrata, o paraan ng pagpapasahod, basta’t nakapagtrabaho sila nang hindi bababa sa isang buwan ngayong taon.
Ang minimum na 13th month pay ay hindi maaaring mas mababa sa 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita ng empleyado sa loob ng isang calendar year.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na magsumite ng kanilang compliance reports sa DOLE Online Compliance Portal sa https://reports.dole.gov.ph/
bago o hanggang Enero 15, 2026.
Muling iginiit ng ahensya na dapat matanggap ng mga manggagawa ang kanilang 13th month pay hindi lalampas ng Disyembre 24.
