Kinumpirma ng broadcast journalist na si Atom Araullo na siya ay nasa isang “matagal na” relasyon sa kaniyang longtime girlfriend, at inamin na handa na siyang tumungo sa susunod na yugto ng buhay na magkaroon ng asawa.
Sa panayam ni Boy Abunda sa “Fast Talk” nitong Biyernes, Nobyembre 28, sinagot ni Araullo ang mga matagal nang usap-usapang romantikong relasyon niya, kabilang ang matagal na ring pag-uugnay sa kanya sa kapwa broadcast journalist na si Zen Hernandez, bagama’t hindi niya tuwirang pinangalanan ang kanyang kasalukuyang partner.
Nagsimula ang usapan nang tanungin ni Abunda kung bakit inilarawan ni Araullo ang sarili bilang “torpe,” lalo na’t inamin nitong wala siyang mga naging girlfriend noong high school at college.
“Siguro I was just having so much fun doing different things… the idea of having a girlfriend never really—hindi ko talaga hinanap,” paliwanag ni Araullo.
Nauwi ang usapan sa pagiging open sa publiko tungkol sa mga relasyon, kung saan sinabi ni Araullo na handa siyang ibahagi ang ilang detalye, ngunit mananatiling may “nice balance” upang mapanatili ang kanyang privacy.
“Some things are not for public consumption, pero hindi mo naman tinatago,” aniya.
Nang tanungin nang direkta kung may girlfriend siya ngayon, agad siyang tumango.
“Yes… matagal na. How many years? We don’t even count years. It’s been a while,” pagtitiyak niya.
Kinumpirma rin niyang “public” ang kanyang partner, ngunit tumanggi pa ring magbigay ng pangalan. “I think people know… They see us outside,” sabi ni Araullo.
Nang tanungin kung handa na ba siyang mag-settle down, hindi nag-atubiling sagutin ito ng journalist.
“That’s always in someone’s mind when they’re in a serious relationship… definitely something you’re ready for,” wika niya, sabay sabing umaasa siyang pareho sila ng pananaw ng kanyang partner.
Sa “Fast Talk” segment ng panayam, muling tiniyak ni Araullo: handa na siyang maging asawa.
