Magwawakas ang eliminations ng PBA Philippine Cup sa isang matinding salpukan sa pagitan ng Magnolia Hotshots at TNT Tropang 5G sa isang mahalagang doubleheader sa Smart Araneta Coliseum sa Disyembre 21.
Ang naturang playdate ay mula sa mga naudlot na laro noong Nobyembre 9 matapos bantaang tamaan ng super-typhoon Uwan ang Central at Northern Luzon. Orihinal sanang curtain-raiser ang Magnolia–TNT matchup sa laban ng Barangay Ginebra at Titan Ultra sa Ynares Center sa Montalban.
Bago pumasok sa FIBA window break para sa World Cup qualifiers, parehong may 5-2 record ang Magnolia at TNT, kasalo sa four-way tie sa No. 2 kasama ang Converge FiberXers at defending champion San Miguel Beermen.
Samantala, nasa 3-4 ang Ginebra at Meralco na magkasalo sa No. 8 spot, habang nananatiling buhay pa sa playoff race ang Titan Ultra (2-6) at Phoenix.
Parehong haharap sa mabibigat na kalaban ang Magnolia at TNT bago ang kanilang mainit na pagtatapos sa eliminations.
Magnolia Hotshots:
- vs Converge – Dec. 5, Ynares Antipolo
- vs NLEX (6-2) – Dec. 7
- vs Rain or Shine – Dec. 15, Khalifa Sports City Stadium, Bahrain
- vs TNT – Dec. 21
TNT Tropang 5G:
- vs San Miguel – Dec. 5 (rematch ng Philippine Cup Finals)
- vs NLEX – Dec. 13
- vs Blackwater – Dec. 19
- vs Magnolia – Dec. 21
Target ng liga na simulan ang quarterfinals sa Disyembre 25, kaya’t ang pagtatapos ng eliminations ay inaasahang magbibigay-linaw sa masikip na standings ngayong season-opening conference.Inaasahang magiging atraksiyon ang Magnolia–TNT showdown, na maaaring magdikta kung sino ang papasok sa playoffs na may mas mataas na puwesto at momentum. (Ron Tolentino)
