Namahagi ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kabuuang P16.1 milyon na cash reward sa 19 civilian informants na tumulong sa matagumpay na anti-drug operations sa buong bansa sa ilalim ng programang Operation: Private Eye.
Sa ginanap na awarding ceremony sa PDEA national headquarters nitong Biyernes, pitong informant ang personal na tumanggap ng tig-P2 milyon, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa mga operasyon.
Nagpasalamat si Dangerous Drugs Board chairman Oscar Valenzuela sa tapang at dedikasyon ng mga informants na patuloy na nakikipagtulungan sa mga awtoridad upang sugpuin ang illegal drugs.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, malaki ang naiambag ng mga recipient sa 22 matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakasabat ng malaking halaga ng ilegal na droga.
Binigyang-diin ni Nerez na lahat ng tumanggap ng cash reward ay “fully qualified” matapos dumaan sa masusing pagsusuri ng isang komiteng binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Tiniyak rin niya ang kaligtasan ng mga informant at kanilang pamilya, kasabay ng tuloy-tuloy na monitoring upang maiwasan ang anumang banta mula sa drug syndicates.
“Obligasyon ng pulisya at iba pang law enforcement agencies na panatilihing ligtas ang kanilang mga informant sa lahat ng oras,” ani Nerez.
Dagdag pa niya, mino-monitor din ng PDEA kung paano gagamitin ng mga informant ang kanilang natanggap na pabuya upang matiyak na ito’y makakatulong sa kanilang muling pagbangon at mas maayos na pamumuhay.
“Lagi pong tinatanong ng ating civil society representatives kung saan ilalaan ang pera. Kaya naman nariyan ang ating mga religious representatives, kasama ang dalawang bishop, para gabayan ang mga recipient na laging piliin ang tama,” sabi ni Nerez. (Art Torres)
