ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug personalities kabilang ang isang lolo at ginang nang matiyempuhan ng pulisya na naglalaro ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Polo Police Sub-Station 5 Commander P/Capt. Doddie Aguirre na habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang kanyang mga tauhan sa H. Bautista St., Brgy., Arkong Bato nang matiyempuhan ng mga ito ang tatlong indibidwal na nagsusugal ng baraha dakong alas-12:30 ng hating gabi.
Nilapitan sila nina P/MSgt. Israel Gutierrez, PCpl Jhon Kenneth Sison at Pat. Joshua Miguel Capiral sabay nagpakilala bilang mga pulis saka inaresto.
Nakumpiska sa kanila ang bet money, playing cards, at dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Maria”, at alyas “Lolo Cardo”.
Samantala, bandang alas-10 ng gabi nang maaktuhan naman ng iba pang mga tauhan ni P/Capt. Aguirre ang dalawang lalaki na naglalaro ng sugal na cara y cruz sa Jasmin St., Brgy., Balangkas.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang dakmain nina PSSg Melvic Pingad at PSSg Ricardo Santos at nakuha sa kanila ang bet money at pangara habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nasamsam kay alyas “John”.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 o ang Anti-illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ng tatlong sa kanila. (JUVY LUCERO)
