Photo credit to Bureau of Corrections
Nagpakita ng malasakit si Senator Erwin Tulfo matapos personal na bumisita ngayong araw sa Minimum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) upang makipag-usap sa mga persons deprived of liberty (PDLs) at maghatid ng mahahalagang donasyon para sa mga matatanda at maysakit na bilanggo.
Sinalubong si Tulfo nina Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director General Atty. Al Perreras at NBP Acting Superintendent C/SINSP Roger Boncales.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Perreras sa ngalan ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at ng buong BuCor family, at kinilala ang patuloy na suporta ng senador sa mga repormang naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga senior at may sakit na PDLs.
Kabilang sa mga ipinagkaloob na tulong ni Tulfo ang antibacterial soap, gatas, shampoo, adult diapers, bath towels, folding beds, wheelchairs, blood pressure equipment, tents, multivitamins, at iba’t ibang gamot, mga kagamitang napakahalaga para sa mga may hinaing na pangkalusugan sa loob ng kulungan.
Binigyang-diin ng senador na patuloy niyang isusulong sa Senado ang mga panukalang batas na magbibigay-daan sa maagang pagpapalaya ng mga matatanda at medikal na incapacitated na PDLs, dahil minimal na umano ang banta ng mga ito sa publiko.
Ang kaniyang pagbisita, ayon sa mga opisyal ng BuCor, ay patunay ng kinakailangang habag at reporma sa correctional system, isang hakbang tungo sa makatao at makatarungang pagtrato sa mga pinaka-maralita at pinaka-mahina sa lipunan. (Mina Paderna)
