Mariing pinabulaanan ni dating Interior Secretary Benhur Abalos ang alegasyong minsang gumamit ng ilegal na droga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iginiit niyang taliwas ito sa personal na kasaysayan at kondisyon sa kalusugan ng Pangulo.
Sa panayam ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps kay Abalos sa “17th National Congress and Seminar-Workshop” event ng Department of Education National Employees’ Union (DEPED NEU)” nitong Nobyembre 27 na ginanap sa Baguio City, inilarawan niya si Marcos bilang isang “ulirang anak,” at binalikan ang dekada ‘80 nang mag-donate umano ng kidney ang nakababatang Marcos para sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Put this on record: kung mayroong isang anak na uliran na mahal niya ang tatay niya, ‘yan si President Bongbong Marcos,” ani Abalos.
Giit niya, malaking panganib ang kinaharap ng sinumang donor noong 1980s dahil hindi pa ganoong advanced ang teknolohiya noon.
Dagdag pa ni Abalos, hindi umano inisip ni Marcos Jr. ang posibleng peligro na mangyari sa kanya maisalba lang buhay ng kanyang pinakamamahal na ama.
Binanggit pa ni Abalos na asthmatic umano si Marcos Jr.
Ayon pa sa kanya, maari umanong ikamatay ng Pangulo ang pagsabak sa ganitong operasyon.
Giit ni Abalos, hindi tugma sa alegasyon ni Sen. Imee Marcos na gumagamit umano ng illegal drugs ang kanyang kapatid dahil mismo sa kondisyon ng Pangulo.
“Ang ating Pangulo ay asthmatic. Tell me: kung iisa ang kidney mo, kung asthmatic ka pa, hindi ka nga dapat magsigarilyo… magda-drugs ka pa ba?
“Kung may problema sa pamilya, pinag-uusapan. Naging mabuting anak siya sa kanyang ama. Ngayon siya ang ama ng bayan.”
Aniya, ang umano’y pag-donate ng kidney ay patunay ng “tunay na pag-ibig” at sakripisyo ni Marcos Jr. para sa kanyang ama. (Arnold Pajaron Jr)
