Matagal nang sandigan ng ekonomiya ang milyun-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs), na taon-taong nagpapadala ng bilyong-bilyong remittance na halos 11% ng GDP ng bansa.
Ngunit sa kabila ng kanilang sakripisyo at tagal ng paninirahan sa ibang bansa, marami pa rin ang umuuwi nang walang matibay na pinagkukunan ng seguridad sa pagtanda.
Ito ang malaking puwang na nais punan ng OFW Pension Act o Senate Bill No. 252, na inihain ni Senator Erwin Tulfo.
Layunin ng panukala na magkaroon ng hiwalay at eksklusibong pension program para sa OFWs, bukod pa sa kanilang SSS benefits, na nakaayon sa totoong kalagayan ng mga nagtatrabaho sa abroad.
Ayon kay Tulfo, panahon nang bigyan ng pangmatagalang seguridad ang mga tinaguriang Bagong Bayani.
“Kung ikaw ay OFW—driver, domestic helper, technician—may pensyon ka pag-uwi mo sa Pilipinas,” ani Tulfo.
Saklaw ng panukala ang mga OFW na umabot na sa 60 taong gulang, at may 15 taon na karanasan sa overseas employment.
Para sa mga tagapagtaguyod ng batas, ito ang susi upang hindi na umuwi ang mga OFW na walang malinaw na suporta sa pagtanda.
Bagama’t handa ang DMW at OWWA sa legal aid, insurance, at repatriation, wala silang iniaalok na buwanang pension.
Dagdag pa rito, ang boluntaryo at di-regular na hulog sa SSS ng maraming OFW ay nagresulta sa mababang pension, o minsan ay walang pension, kahit 20–30 taon silang nagtrabaho sa ibang bansa.
Dahil dito, nais ng panukala na lumikha ng dedicated pension system sa ilalim ng DMW para protektahan ang OFWs mula sa pabago-bagong kalagayan ng overseas work.
Bakit kailangan ang OFW pension?
• Pag-uwi na walang ipon: Madalas ay napupunta ang kita ng OFW sa pangangailangan ng pamilya—pag-aaral, ospital, pagkain, at utang. Pag nagretiro, wala silang sandigan.
• Hindi tiyak na trabaho abroad: Short-term contracts, employer issues, at age limits ang nagiging hadlang sa tuloy-tuloy na kita.
• Kulang sa kasalukuyang sistema: Walang retirement pension mula sa OWWA at hindi sapat ang SSS para sa karamihan.
• Pagkilala at hustisya: Kung sila ang bumuhay sa ekonomiya, marapat lamang na may konkretong pagtanaw ng utang na loob ang estado.
• Proteksyon laban sa kahirapan: Target ang P5,000 buwanang pension upang may dignidad ang pamumuhay ng OFW pagdating ng kanilang senior years.
Tungkulin ng DMW ang hindi lamang pagde-deploy ng manggagawa, kundi ang pagtiyak na may maaayos silang pagbabalik sa Pilipinas.
Giit ng mga advocate na hindi tunay na reintegration kung walang kasamang pension.
Sa pamamagitan nito, makakauwi ang OFW na hindi umaasa sa pamilya o gobyerno.
Pagod, pangungulila, cultural isolation, at delikadong trabaho, lahat ito ay kinarga ng OFWs para sa kanilang pamilya at sa bansa.
Para sa mga sumusuporta sa panukala, ang pension ay pinakamababang paraan upang kilalanin ang kanilang sakripisyo.
Kapag naisabatas, ang OFW Pension Act ay magiging isa sa pinakamahalagang reporma para sa migrant workers, isang hakbang tungo sa tunay na seguridad at karapat-dapat na pagtanaw ng utang na loob ng bayan sa kanyang Bagong Bayani. (Boyet Barba Jr)
