Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian na mas paigtingin ang mga hakbang upang matiyak na bawat batang Pilipino ay marunong bumasa at umunawa, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Pagbasa.
“Ako ay nakikiisa sa ating mga kababayan sa pagdiriwang ng Araw ng Pagbasa. Patuloy din akong nakikiisa sa pagtiyak na ang bawat mag-aaral ay matututong bumasa at umunawa,” pahayag ng senador.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, inihayag ni Gatchalian na kanyang hiniling ang karagdagang P3.3 bilyon para sa ARAL Program, isang inisyatibang layong pabilisin ang learning recovery at pataasin ang reading proficiency ng mga mag-aaral.
Bukod dito, itinulak din ng Senado ang karagdagang P18.08 bilyon para sa pagbili ng mga textbook, na magtataas ng kabuuang pondo sa P29 bilyon. “Sisiguruhin ng mga pondong ito na hindi na kukulangin sa aklat ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Giit ng senador, mahalagang matugunan ang learning gaps upang maging handa ang kabataan sa mas mataas na antas ng pagkatuto at sa hinaharap na oportunidad sa edukasyon. (Mina Paderna)
