Nagbigay ng update tungkol sa mga warrant of arrest kaugnay ng anomalya sa Flood Control projects sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Victor Remulla, PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, at DPWH Secretary Vivencio Dizon. Ginawa ang briefing sa PNP Multipurpose Hall, NHQ Camp General Rafael T. Crame, Quezon City. (Photo by ART TORRES)
Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Martes, Nobyembre 25, na mas marami pang malalaking pangalan na sangkot sa anomalya sa flood control projects ang kakasuhan at aarestuhin sa mga susunod na linggo.
“Big fish are coming soon. Dapat asahan ang Discayas, senators, congressmen sa susunod na limang linggo, sunod-sunod na sila. Walang ‘La Catedral’ dito. I-treat sila kagaya ng mga karamihan,” ani Remulla, na tumutukoy sa sikat na La Catedral prison sa Medellin, Colombia.
Sa ngayon, walong suspek na ang naaresto. Anim sa kanila ay nasa New Quezon City Jail male dormitory sa Payatas: Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben delos Santos Jr., Dominic Serrano, Felisardo Casuno, at engineer Dennis Abagon. Si Lerma Cayco naman ay nakapiit sa Camp Caringal female dormitory.
Ang pito sa kanila ay huharap sa paglilitis sa Office of the Ombudsman, sang-ayon sa kasong plunder, anti-graft violations, at indirect bribery. Isang suspek, si Juliet Calvo, ay nakapag-post ng piyansa para sa falsification of documents at huharap sa 5th Division ng Ombudsman.
Para sa mga nasa US at Qatar, sinabi ni Remulla na may hanggang Huwebes upang sumuko sa pinakamalapit na embahada ng Pilipinas. “May kopya kami ng kanilang passports. Mahahanap namin sila kahit saan sila magpunta,” ani Remulla.
Ipinahayag din niya na hamon ang pagtunton kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na may dalawahang passport at naitalang nakalibot sa US, Europe, Singapore, Spain, Portugal, at Japan. “Umuwi ka na, kailangan mo managot sa batas,” dagdag niya.
Tiniyak naman ni Bureau of Jail Management and Penology Director Ruel Rivera na pareho ang serbisyo sa pagkain, tubig, 24-oras na medical services, at visitation rights ng mga preso, kabilang ang mga naaresto sa flood control scandal.
Samantala, pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang sinumang nagtatago o tumutulong sa mga akusado na hindi ito papatawan ng kapatawaran. Ani PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, inutusan na ang mga police units na naghahain ng arrest warrants na magsampa ng kaso laban sa mga matutukoy na nag-coddle sa mga akusado.
“Nauunawaan namin ang close ties ng mga kamag-anak at kaibigan, pero ang accountability at rule of law ay dapat palaging mangibabaw. Hayaan natin ang hustisya na maisakatuparan, at bahagi nito ay harapin nila ang kanilang kaso,” pahayag ni Nartatez.
“Hindi kailangang madamay at magdusa kayo dito,” dagdag niya. (Art Torres)
