Tinuldukan na ng Court of Appeals (CA) ang apela ni Silang, Cavite municipal engineer Robert Marquina matapos nitong igiit na nagkamali ang Ombudsman sa pagpapataw ng mabibigat na parusa kaugnay ng umano’y simulated bidding para sa procurement ng bulaklak at string lights na ginamit sa Silangueño Ball noong 2023.
Sa desisyon ng CA Third Division, pinagtibay nito ang dismissal from service ni Marquina, na una nang ipinataw ng Ombudsman.
Giit ng korte, malinaw ang serious dishonesty, grave misconduct, at gross neglect of duty sa pag-apruba ni Marquina sa procurement documents na ginawa at pinetsahan pagkatapos na ang event ay maisagawa.
Ayon sa court records, naglabas ang pamahalaang bayan ng Silang ng purchase request na nagkakahalaga ng P170,000 para sa bulaklak (P70,000) at 1,000 string light bulbs (P100,000). Pinetsahan ito noong January 13, 2023, at inaprubahan ng dating mayor na si Alston Kevin Anarna, kasama ang BAC at treasurer.
Ngunit base sa imbestigasyon ng Commission on Audit (COA), lumabas na January 28, 2023 ginanap ang Silangueño Ball pero January 31 lamang nilabas ang PhilGEPS bid notice abstract habang February 1 naman nai-post ang request for quotation.
Ibig sabihin, nauna pa ang event bago ang bidding, na labag sa Republic Act 9184, o Government Procurement Reform Act.
Nadiskubre rin ng COA at Ombudsman’s Field Investigation Office na ang supplier na Badeth Merchandise ay hindi rehistrado sa Business Permit and Licensing Office ng Silang. Wala palang biniling string lights at .nirentahan lamang ito. Ang mga bulaklak na na-deliver ay hindi tugma sa halaga na ipinakita sa dokumento.
Dahil dito, naglabas ang COA ng notices of disallowance at isinampa ang kaso laban sa mga sangkot.
Mariin namang itinanggi ni Marquina ang pananagutan.
Aniya, wala siyang personal na benepisyo o kinita mula sa procurement at hindi umano siya dapat papanagutin dahil wala namang direktang ebidensiyang may intensiyon siyang mandaya.
Ngunit giit ng Ombudsman at pinagtibay ng CA na hindi mahalaga kung kumita man o hindi si Marquina. Ang mahalaga ay ginamit niya ang kanyang posisyon para maaprubahan ang procurement na malinaw na illegal at simulated.
At bilang miyembro ng BAC, tungkulin niyang tiyakin na tama at legal ang proseso na hindi niya ginawa.
Sa desisyon ni Associate Justice Ruben Roxas, sinabi ng CA na, “Petitioner was duty-bound to know and follow the law… yet he did not comply with the required procurement process in a flagrant manner.”
“The penalty of dismissal and its appurtenant penalties… need not be disturbed,” dagdag pa ng korte.
Matatandaang noong Oktubre 2024, sinibak din ng Ombudsman si Mayor Anarna dahil sa parehong kaso, matapos siyang ideklarang guilty ng grave misconduct at serious dishonesty.
Bagama’t nanalo siya sa May midterm elections, agad siyang disqualified ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa nauna nang ruling ng Ombudsman.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang implementasyon ng dismissal laban sa mga sangkot na opisyal. Nanindigan ang CA na malinaw at matibay ang ebidensiya ng irregular, ilegal, at simulated procurement, na nagresulta sa pagkawala ng tiwala sa mga pangunahing opisyal ng LGU Silang.
