Isang 16-anyos na lalaking estudyante ang natagpuang patay sa Marikina River malapit sa Philippine Rock, Brgy. San Isidro, sa isang insidenteng iniuulat bilang alleged suicide by drowning, ayon sa Rodriguez Municipal Police Station.
Iniulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang insidente bandang 9:30 a.m. ng Nobyembre 21, 2025, at agad na rumesponde ang duty investigators upang magsagawa ng paunang imbestigasyon.
Ayon sa salaysay ng ina ng biktima na si alyas “Norlita,” pinagalitan niya ang kanyang anak matapos makipagtalo nito sa kapatid noong gabi ng Nobyembre 19.
Huli niyang nakita ang biktima bandang 11:00 p.m., habang gumagamit pa ng cellphone. Paggising niya ng 2:00 a.m., napansin niyang wala na ang kanyang anak sa loob ng bahay.
Natagpuan niya ang isang sulat sa mesa na naka-address sa kanya, sa mga kaklase, at sa mga guro ng biktima. Sa sulat, sinabi ng binatilyo na “matagal na niyang pinag-iisipan” ang pagpapakamatay at binanggit pa ang kanyang paniniwala sa afterlife at sa “kapangyarihang” nakikita niya sa anime na “Isekai.”
Dahil sa pag-aalala, nagsimula ang pamilya at barangay personnel na suriin ang Barangay CCTV, kung saan huling nakitang naglalakad ang biktima sa Eastwood Bridge sa Philippine Rock area.
Isang concerned citizen ang nag-ulat na nakita nilang tumalon ang biktima sa Marikina River.
Agad na humingi ng tulong ang pamilya sa barangay at MDRRMO, na nagsagawa ng retrieval operation. Natagpuan ang bangkay ng biktima kinabukasan.
Ang labi ng biktima, na kinilalang si Axelzeth Pejana y Ocon, 16 anyos, Grade 11 student at residente ng Green Breeze Subdivision, ay dinala sa Sta. Cecilia Funeral Homes para sa wastong disposisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Rodriguez MPS upang tuluyang maberipika ang mga pangyayari na humantong sa insidente. (Arnold Pajaron Jr)
