
Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipapasa na ngayong linggo sa Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez ang kanilang rekomendasyon kaugnay ng mga nakabinbing petisyon para sa taas-pasahe, matapos idaos ang serye ng “successful and fruitful” public consultations.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang mga kaukulang kawani na simulan ang pagbalangkas ng opisyal na posisyon ng ahensya batay sa argumento ng mga transport group at resulta ng konsultasyon—pinakahuli nito ang isinagawa sa LTFRB Central Office sa Quezon City noong Miyerkules, Nobyembre 12.
“We will submit our recommendations to our bosses over the weekend. Right now, we are drafting the inputs based on the arguments during the public consultations made for this specific purpose which is the fare increase,” ani Mendoza.
Dagdag niya, hindi na bago ang mga puntong inihain ng transport sector dahil paulit-ulit itong nababanggit tuwing may panukala sa taas-pasahe. Lahat ng ito ay isasama sa kanilang ihahaing rekomendasyon.
Nauna nang inutusan ni Mendoza ang lahat ng LTFRB Regional Directors na magsagawa ng public consultations hindi lamang para sa passenger jeepneys, kundi pati na rin sa passenger buses at taxi services. Inaasahan niyang matatanggap ang resulta at rekomendasyon mula sa bawat rehiyon bago o sa Nobyembre 14.
Target ng LTFRB na maisumite ang final recommendation sa DOTr Acting Secretary Lopez sa o bago Nobyembre 17.
“We want this to become nationwide in scope to hear the sentiments of all the concerned stakeholders… fruitful ang consultation dahil bawat sektor ay nakapagbigay ng inputs para makabuo ng solusyong katanggap-tanggap sa lahat,” pahayag ni Mendoza.
Ibinunyag din ng LTFRB chief na may ilang panukalang inilatag ang transport groups upang maibsan ang pasaning dinaranas ng mga commuter. Ang mga mungkahing ito ay isasama sa kanilang opisyal na submission, lalo na yaong nasa saklaw ng kapangyarihan ng LTFRB; ang iba namang lampas sa mandato ng ahensya ay isusumite sa nararapat na awtoridad.
Inaasahang tatagal ang pagdedesisyon ng national government dahil masusing pag-aaralan ang bawat petisyon sa fare hike.
Batay sa datos ng LTFRB, lima sa pinakamalaking transport groups ang naghain ng petisyong humihiling ng dagdag na P5 sa minimum fare para sa unang apat na kilometro noong 2023, at dagdag na P1 para sa bawat kasunod na kilometro.
Simula 2024, sumunod na rin ang ilang bus at taxi operators sa paghahain ng kahalintulad na petisyon, na binanggit ang pagtaas ng presyo ng krudo, maintenance, at iba pang operational costs bilang pangunahing dahilan. (Mina Paderna)
