Photo courtesy of Johnielle Keith Pasion Nieto/FB
Magaan na biyahe at mas murang pamasahe ang hatid ng bagong kasunduan sa pagitan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Cainta Mayor Johnielle Keith “Kit” Nieto, matapos nilang lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) nitong Huwebes na nag-aalis sa passing-through fees at hindi na kailangan lumipat pa ang mga pasahero ng ibang tricycle sa Pasig–Cainta boundary.
Sa ilalim ng kasunduan, maaari nang magbaba ng pasahero ang mga tricycle mula Pasig sa loob ng Cainta at gayundin ang mga tricycle ng Cainta sa Pasig ngunit bawal pa ring magsakay ng pasahero sa kabilang lungsod.
“Tinanggal namin ang border ng mga TODA na tatawid sa aming mga bayan. Gagaan ang buhay ng mga pasahero na puwedeng dumiretso galing Cainta papuntang Pasig at vice versa nang hindi nagpapalit ng sasakyan,” pahayag ni Nieto.
“Wala nang passing-through fees na babayaran ang mga TODA para lang makatawid,” dagdag pa niya.
Ipinunto naman ni Sotto na layunin ng kasunduan na mapadali ang pagbiyahe at mabawasan ang gastos ng mga tricycle driver at pasahero.
“Puwede nang magbaba ng pasahero ang mga TODA natin sa Cainta. Ganun din po ang TODA nila sa Pasig. Drop-off only (no pick up),” ani Sotto.
Nagpalitan din ng papuri ang dalawang alkalde sa isa’t isa, pinuri ni Nieto ang istilo ng pamumuno ni Sotto, habang inamin naman ni Sotto na hinahangaan at ginagaya niya ang pamumuno ni Nieto.
“Hindi ko ikinahihiya na sabihin na ang inyong alkalde ay isa sa mga taong hinahangaan at ginagaya ko.” sabi ni Sotto.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magpapagaan sa biyahe ng libo-libong pasahero sa pagitan ng Pasig at Cainta, lalo na sa mga nagtatrabaho at nag-aaral sa magkabilang bayan. (Arnold Pajaron Jr)
