ANTIPOLO CITY, Rizal — Isang lalaki ang nasawi matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa konkretong poste sa Ortigas Extension, Barangay Dela Paz, Antipolo City, madaling araw ng Huwebes, Nobyembre 6.
Ayon sa ulat ng Antipolo Component City Police Station, nangyari ang insidente bandang 2:30 a.m. malapit sa Alta Vista Subdivision.
Batay sa imbestigasyon, ang biktima ay nagmamaneho ng Suzuki Raider 150 (plate no. DC65183) patungong Taytay nang mawalan umano ng kontrol sa matarik at kurbadong bahagi ng kalsada. Dahil dito, sumalpok ang motorsiklo sa isang konkretong poste at tumilapon sa kalsada ang drayber.
Agad siyang isinugod sa Rizal Provincial Hospital Annex II, ngunit idineklara siyang dead on arrival bandang 3:26 a.m. ng attending physician na si Dr. Kreisler William Chua.
Walang nakuhang pagkakakilanlan sa biktima dahil wala itong dalang anumang ID sa oras ng aksidente.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng beripikasyon ang pulisya upang matukoy ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng impormasyon sa official receipt, certificate of registration, at deed of sale ng motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng Antipolo Traffic Enforcement Unit hinggil sa insidente. (Arnold Pajaron Jr)
