Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makatutulong ang bagong tatag na Philippines–United States joint task force upang mapababa ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) at mapanatili ang kalayaan sa paglalayag sa buong rehiyon ng Indo-Pacific.
Sa isang “Kapihan” press briefing sa South Korea, sinabi ni Marcos na ang pagkakatatag ng Task Force Philippines ay bahagi ng kasunduan ng Maynila at Washington upang palakasin ang operational cooperation, pagpaplano, at koordinasyon ng kanilang mga puwersa, partikular sa South China Sea.
“Umaasa ako na makatutulong ito para bumaba ang tensyon sa West Philippine Sea,” ani ng Pangulo.
“Hindi naman ito magdudulot ng dagdag na tensyon dahil wala namang bagong ginagawa. Nagkaka-tensyon lang kapag may gumagawa ng bago. Dati hindi ginagawa, biglang gagawin — doon nagkakaproblema.”
Paliwanag ni Marcos, layunin ng task force na maging mas organisado at magkakaugnay ang pagkilos ng dalawang bansa sa pagpapanatili ng kalayaan sa paglalayag sa West Philippine Sea.
Dagdag pa niya, kailangang magtakda ang task force ng malinaw na mga patakaran at pamamaraan para sa kanilang magkasanib na operasyon.
“Iba ang mga barkong ginagamit ng Amerika, iba rin ang sa Navy natin. Kaya dapat matutunan nating makipagtrabaho sa ilalim ng magkaibang military parameters,” paliwanag ng Pangulo.
Inanunsyo ng Pentagon ang pagbuo ng task force matapos ang pagpupulong nina U.S. Defense Secretary Pete Hegseth at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Kuala Lumpur, kasabay ng pagtitipon ng mga ministro ng depensa ng Timog-Silangang Asya.
Patuloy pa rin ang tensyon sa West Philippine Sea bunsod ng pagtanggi ng China na kilalanin ang 2016 arbitral ruling na nagbasura sa malawak nitong pag-aangkin sa South China Sea at pumabor sa Pilipinas.
Samantala, ibinahagi rin ni Pangulong Marcos ang naging maikling pagkikita nila ni Chinese President Xi Jinping sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Gyeongju, South Korea.
Ayon sa Pangulo, mahirap umanong lapitan si Xi dahil palaging napapalibutan ito ng mga security personnel.
“Ang tanging pagkakataon na nakausap ko si President Xi ay sa huling leaders’ retreat meeting. Mahirap siyang lapitan, laging may security. Ayoko namang mamilit, baka suntukin pa ako ng security guard niya,” biro ni Marcos.
Nakunan din ang dalawang lider na nagkamay sa pagtatapos ng APEC Summit, kung saan binati ni Marcos si Xi sa pagiging host ng China sa APEC Summit 2026.
“Sabi ko, nakakahiya naman, hindi pa ako bumabati. Kaya pinilit kong makalapit sa kanya at binati ko siya. I said, congratulations on your assumption for the chair for the following APEC,” ani ng Pangulo.
