Natuklasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit 37,000 motions at petitions na nakabinbin pa sa kanilang tanggapan, kabilang ang ilan na mahigit dalawang taon nang hindi nareresolba.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang kautusan upang ayusin ang mga nakatenggang kaso ay nagmula kay Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, matapos itong mabahala sa ulat tungkol sa lawak ng backlog ng ahensya.
“Naalarma si Secretary Lopez nang makita niya ang dami ng mga kasong hindi pa nareresolba. Agad niyang iniutos na aksyunan ito sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makaapekto sa mga problema sa pampublikong transportasyon, hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa ibang rehiyon,” pahayag ni Mendoza.
Batay sa consolidated report, tinatayang 33,000 motions at petitions ang nakabinbin sa LTFRB Board, habang may karagdagang 4,000 kaso pa sa iba’t ibang dibisyon ng ahensya.
Ayon kay Mendoza, layon ng utos na mapagaan ang pasanin ng mga commuter at ng sektor ng transportasyon, lalo na ang mga operator at driver ng pampasaherong sasakyan.
“Inatasan ko ang lahat ng division chiefs na tapusin ang 4,000 pending cases sa loob ng 30 araw,” aniya, at idinagdag na sisikapin ng LTFRB Board na maaprubahan at mapirmahan ang lahat ng natitirang desisyon bago ang Disyembre 15, 2025.
Upang maiwasang madagdagan pa ang backlog, ipinag-utos din ni Mendoza, sa gabay ni Secretary Lopez, ang pagpapatupad ng bagong patakaran na nagsasaad na dapat maresolba ang lahat ng bagong motion at petition sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng pagsasampa.
Tiniyak ni Mendoza na personal niyang imo-monitor ang progreso ng bawat dibisyon upang masiguro ang mahigpit na pagsunod sa direktiba.
“The LTFRB is committed to improving its operations and delivering timely public service,” diin ni Mendoza. (Mina Paderna)
