NASAWI ang Grade 12 na babaeng estudyante matapos mag-viral sa social media ang eksena nang tuluyan niyang pagkahulog sa ikatlong palapag ng isang bantog na mall sa Caloocan City, Biyernes ng hapon.
Isinugod ng mga tauhan ng mall at nagrespondeng mga pulis sa Manila Central University (MCU) Hospital ang 18-anyos na biktima subalit, hindi na rin naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay nang isailalim sa mahigit tatlong oras na maselang operasyon bunga ng panloob na pagdurugo o “internal hemorrhage” sa kanyang ulo.
Sa ulat ni P/Maj. Jansen Tiglao, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigan at menor-de-edad na “girlfriend” nang magtungo sa naturang mall nitong bisperas ng Undas.
Dakong alas-2:45 nang makita sa nag-viral video na nakaupo sa gilid sa tabi ng escalator sa ikatlong palapag ng mall ang biktima habang hinihimok siya ng kumuha ng video na huwag magpadalos-dalos.
Tinangka namang sagipin ng isang utility man at security guard ang dalaga subalit, nagulat at nagpumiglas hanggang tuluyang mahulog at bumagsak sa ground floor ng mall.
Lumabas sa imbestigasyon na nakipagkalas na umano sa biktima ang kasintahan at tumanggi ng makipagbalikan kaya nakaranas ng emosyonal na pagkabalisa ang dalaga makaraan silang maghiwa-hiwalay na magkakaibigan sa loob ng mall.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari upang malaman ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng mall at ng utility man na nauna ng nagpahayag na nais lamang niyang makatulong kaya tinangkang hablutin ang biktima na mistulang nagulat na dahilan ng maagang pagkahulog tungo sa kamatayan. (Juvy Lucero)
