Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa gabay ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Atty. Giovanni Lopez, nagsagawa ng dayalogo si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II kasama ang mga kinatawan ng Bangsamoro LTFRB (BLTFRB) na pinangungunahan ni Director I Jobayra P. Tandalong.
Tampok sa nasabing pagpupulong ang pagpapabuti at pagpapatatag ng sistema ng pampublikong transportasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang mahalagang hakbang tungo sa ligtas, maayos, at progresibong biyahe para sa mga mamamayan ng rehiyon.
Ayon kay Chairman Mendoza, layunin ng inisyatiba na matiyak na maging abot at episyente ang serbisyo ng pampublikong transportasyon sa lahat ng sulok ng bansa — kabilang ang mga malalayong lugar at autonomous regions — alinsunod sa adbokasiya ng administrasyong Marcos para sa Bagong Pilipinas.
“Walang maiiwan sa pag-unlad. Ang kaayusan at kaunlaran sa transportasyon ay karapatan ng bawat Pilipino,” diin ni Mendoza.
Sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas, tiniyak ng LTFRB na tuloy-tuloy ang modernisasyon ng mga ruta, terminal, at prangkisa sa mga rehiyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad.
“Tuloy ang takbo, tuloy ang progreso, walang iwanan!” — ito ang mensaheng pinagtibay ng LTFRB sa kanilang pakikipagtulungan sa BLTFRB para sa mas maayos na biyahe tungo sa mas maunlad na Mindanao. (Mina Paderna)
