Nanawagan si Senator Sherwin “Win” Gatchalian sa Office of the Ombudsman na paigtingin ang kampanya laban sa bureaucratic red tape, na tinawag niyang “pinakamalaking hadlang” sa paglago ng ekonomiya at sa maayos na serbisyo ng gobyerno.
“Imbes na padaliin natin ang buhay ng mga negosyante natin, intentionally or unintentionally, pinahihirapan natin,” ayon kay Gatchalian, na kasalukuyang namumuno sa Senate committee on finance.
Hinimok ng senador si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang kasuhan ang mga opisyal ng gobyerno na sadyang nagpapabagal o nagpapakomplika ng mga transaksyon sa pamahalaan.
“Meron tayong Anti-Red Tape Authority pero ang prosecution rests with the Ombudsman. This is something that we need to look at dahil ito ang pumapatay sa negosyo,” giit pa ni Gatchalian.
Matatandaang nangako si Remulla na mas palalakasin ang ugnayan ng kanyang tanggapan sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang tuluyang alisin ang mga bottleneck at gawing simple ang mga proseso ng gobyerno, kasabay ng hakbang para mapabuti ang ease of doing business sa bansa.
Bilang halimbawa, binanggit ni Remulla ang matagal na pag-apruba ng mga permit para sa pagtatayo ng cell sites na matagal nang sagabal sa pagbuti ng internet connectivity sa bansa.
“This has to end. We have to get everyone in stride and on the same page,” pahayag ng Ombudsman sa pagdinig ng Senado kaugnay ng panukalang 2026 budget ng kanyang tanggapan.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng kanyang dating puna laban sa mga ahensyang, aniya, hindi epektibo at nagdudulot lamang ng pasanin sa mga mamimili at hadlang sa mga mamumuhunan. (Mina Paderna)
