May magandang balita para sa mga kabahayan!
Magkakaroon ng rollback sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa pagsisimula ng buwan ng Nobyembre 2025, ayon sa mga pangunahing kumpanya ng langis.
Sa kanilang abiso, inanunsyo ng Petron Corporation na magbabawas sila ng P0.50 kada kilo sa presyo ng household LPG, epektibo alas-12:01 ng madaling-araw, Nobyembre 1 (Sabado).
Katumbas ito ng P5.50 bawas sa karaniwang 11-kilogram LPG tank na gamit ng mga kabahayan.
“Ang rollback ay bunga ng pagbaba ng international contract price ng LPG para sa Nobyembre,” paliwanag ng Petron.
Kasabay nito, nag-anunsyo rin ang Solane ng P0.45 kada kilo rollback, o humigit-kumulang P4.95 bawas sa presyo ng 11-kilogram LPG cylinder. Ang bagong presyo ay magiging epektibo alas-6 ng umaga sa Nobyembre 1.
Samantala, ang iba pang LPG retailers ay hindi pa naglalabas ng kani-kanilang price adjustment para sa darating na buwan.
Ang bawas-presyo ay inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga konsumer, lalo na sa mga pamilyang malakas gumamit ng LPG para sa pang-araw-araw na pagluluto. (Limuel Tolentino)
