HABANG abala ang mga Pilipino sa paghahanda para sa Undas, tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na handang-handa ito na tumugon sa anumang aberya sa kuryente sa darating na All Saints’ Day at All Souls’ Day weekend.
Sa isang pahayag, sinabi ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications, na mananatiling naka-full alert ang mga crew at personnel ng kumpanya 24/7 upang agad na makaresponde sa anumang problema sa serbisyo.
“Kami ay kaisa ng sambayanan sa paggunita ng Undas. Habang sarado ang aming mga Business Centers mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, bukas naman ang aming social media channels at hotlines para sa mga katanungan at reklamo,” ayon kay Zaldarriaga.
Muling magbubukas ang lahat ng Meralco Business Centers sa Nobyembre 3.
Kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa sementeryo at pagbibiyahe sa probinsya, pinaalalahanan ng Meralco ang publiko na sundin ang mga electrical safety tips upang maiwasan ang sakuna:
- Patayin ang mga kasangkapang elektrikal kapag hindi ginagamit o kung aalis ng bahay.
- Iwasan ang “octopus connection” o pagsasaksak ng maraming appliances sa iisang outlet.
- Panatilihing tuyo ang mga kable at koneksyon.
- Huwag ilagay ang mga kordon sa ilalim ng alpombra o carpet.
- Ilayo ang mga nasusunog na materyales sa ilaw at iba pang pinagmumulan ng init.
Maaaring iparating ng mga customer ang kanilang mga concern sa pamamagitan ng My Meralco app, Facebook (www.facebook.com/meralco), o X (dating Twitter) @meralco. Maaari ring mag-text sa 0920-9716211 / 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
