Shoot sa rehas ang isang kelot na wanted sa kaso ng syndicated estafa nang maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat, alas-11:15 ng umaga nang maaresto ng mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang 27-anyos na akusado sa Cunanan St., Brgy., Mapulang Lupa.
Ayon kay Col. Talento, unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng akusado na kabilang sa mga most wanted person ng Quezon City Police.
Dala ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trail Court (RTC) Branch 225, Quezon City, noong December 13, 2023, agad nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ni Col. Talento.
Hindi na nakapalag ang akusado nang arestuhin ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police para sa kasong Syndicated Estafa na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakakulong ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment mula sa korte. (JUVY LUCERO)
