HABANG dumarami ang mga biyahero sa mga terminal at pantalan para sa paggunita ng Undas ngayong Nobyembre 1 at 2, nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko na agad i-report ang anumang kaso ng sobrang paniningil ng pamasahe mula sa mga taxi at ride-hailing services.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, inatasan na ang lahat ng regional offices ng ahensya na maging alerto at maagap sa pagtugon sa mga reklamo ng mga pasahero, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang ligtas, maayos, at komportableng biyahe ng mga Pilipino sa Undas.
“Panahon na naman ng biyahe ng ating mga kababayan, at panahon na naman ng pananamantala ng iilan sa transport sector, lalo na yung mga taxi na nangongontrata,” ani Mendoza.
“Sa ating mga kababayang pasahero, huwag po nating hayaang maging normal ang ganitong kalakaran. Bawal po ito, kaya magtulungan tayo upang mahuli ang mga abusadong driver na ito,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Mendoza na makikipag-ugnayan ang LTFRB sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa mas maayos na deployment sa mga bus station at transport hub, partikular sa Metro Manila at iba pang lungsod.
Patuloy din aniya ang operasyon laban sa mga abusadong taxi at PUV drivers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na palalawakin pa sa mga bus terminal, pantalan, at iba pang lugar na dinarayo ng mga pasahero tuwing mahahabang bakasyon.
“Ito ang bilin ng ating Secretary Banoy Lopez — na dapat maramdaman ng ating mga pasahero ang presensya ng gobyerno sa kanilang paglalakbay, para agad na matugunan ang kanilang mga hinaing at reklamo,” ani Mendoza.
Hinikayat ng LTFRB ang publiko na magsumite ng reklamo sa nationwide hotline 0956-761-0739, o kaya ay i-tag ang LTFRB at DOTr social media accounts kung mayroong mga larawan o bidyong patunay ng pang-aabuso ng mga PUV driver. (MINA PADERNA)
