OPISYAL nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng northeast monsoon o amihan season sa bansa nitong Lunes, Oktubre 27.
Ayon sa PAGASA, ang paglakas ng high pressure area sa East Asia ang naging dahilan ng pagbugso ng malamig na northeasterly winds sa hilagang bahagi ng Luzon — malinaw na senyales ng pagsisimula ng panahon ng amihan.
Bukod dito, nakapuna rin ang ahensya ng pagtaas ng atmospheric pressure at paglamig ng paligid, mga indikasyong kumpirmadong nagsimula na ang amihan.
Sa mga susunod na buwan, inaasahan ang pagdadalang ng malamig at tuyong hangin, gayundin ang unti-unting pagbaba ng temperatura sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagbabala rin ang PAGASA sa publiko na maging maingat sa posibleng rough sea conditions at mga pag-ulan dulot ng shear line — ang bahagi kung saan nagsasalubong ang malamig na hangin ng amihan at mainit na hangin mula sa silangan.
Ang pagsisimula ng amihan ay halos tatlong linggo matapos ideklara ng PAGASA ang pagtatapos ng southwest monsoon o habagat season. Karaniwang tumatagal ang amihan mula Oktubre hanggang Pebrero o Marso. (LIMUEL TOLENTINO)
