PINATAWAN ng limang-game suspension si NU Bulldogs forward Gelo Santiago matapos ang tinawag na “dangerous non-basketball play” sa kanilang laban kontra Ateneo Blue Eagles sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament.
Ayon sa UAAP, ang parusa ay bunsod ng disqualifying foul ni Santiago matapos niyang tamaan sa likod ng ulo si Ateneo guard Waki Espina gamit ang kanyang kanang braso habang nag-aagawan sila ng posisyon sa ikatlong quarter ng laro noong Oktubre 26.
Agad siyang na-eject mula sa laro, na tinapos ng NU sa panalong 66-50.
Dahil sa suspensiyon, mami-miss ni Santiago ang nalalabing limang laro ng NU sa elimination round kontra La Salle, Adamson, FEU, UE, at UST.
Bago ang insidente, si Santiago ay may average na 6.4 points, 1.8 rebounds, at 1.1 steals sa unang siyam na laban ng Bulldogs, na kasalukuyang nasa unang puwesto sa standings na may 7-2 record.
Sinabi naman ng UAAP na maaari pang magsumite ng motion for reconsideration ang National University hinggil sa nasabing parusa.
Lalaban ang NU Bulldogs sa unang pagkakataon nang wala si Santiago sa kanilang tugma kontra De La Salle Green Archers sa Nobyembre 2 sa Mall of Asia Arena. (RON TOLENTINO)
