Habang ang taumbayan ay nagtitipid, nagbabayad ng buwis, at nagtitiis sa taas ng presyo ng bilihin, heto naman ang ating mga mambabatas, tahimik ngunit agresibong tinaasan ang sarili nilang budget ng halos P10 bilyon.
Mula sa orihinal na P17 bilyon na panukala, umakyat ito sa P27 bilyon sa bersiyon ng 2026 budget na mismong sila ang gumawa at nagpasa.
Oo, tama ang basa mo, sila mismo ang nagtaas ng sariling pondo.
Saan napunta ang dagdag na bilyon? Sa maintenance and other operating expenses (MOOE), ang paboritong linya ng mga ahensiya kapag ayaw nilang ipaliwanag kung saan talaga gagastusin ang pera. Mula P10.7 bilyon, umakyat ito sa P18.5 bilyon. Kasama rito ang halos P3 bilyon para sa “other MOOE,” isang kategoryang walang malinaw na detalye.
At kung hindi pa sapat ‘yan, tumaas din nang higit isang bilyon ang “communication expenses” — mula P398 milyon tungong P1.47 bilyon. Kung ganito kalaki ang pondo sa komunikasyon, baka pati memes at trolls ay may budget na rin.
Habang sinasabing “mahigpit” ang badyet para sa mga ospital, guro, at magsasaka, tila maluwag ang sinturon ng Kamara pagdating sa sarili nilang bulsa. Ito na ang pangatlong taon sa ilalim ni Marcos Jr. na tumaas ng higit 75% ang kanilang badyet.
Kung ganito ang takbo, hindi malayong sa mga susunod na taon ay magiging mas malaki pa ang pondo ng Kongreso kaysa sa ilang departamento ng gobyerno na tunay na may kinalaman sa serbisyo publiko.
Ang tanong, sino ang magbabantay sa mga bantay? Kung mismong tagagawa ng batas ang nagmamanipula ng sarili nilang pondo, saan pa lulugar ang pananagutan?
Hindi lang yan basta milyon-milyon ang pinag-uusapan kundi bilyon-bilyon. Iyan ay buwis ng taong bayan. Mula sa pawis, dugo, at pagod ng bawat Pilipino.
At kung patuloy na ganito ang asal ng mga nasa poder, mukhang ang tunay na krisis sa bansa ay hindi kakulangan sa pera, kundi kakulangan sa hiya.
