MARIING itinanggi ni Senador Joel Villanueva ang mga paratang na siya umano ay sangkot sa iregularidad sa mga proyekto ng flood control, sabay iginiit na siya mismo ang unang naglantad ng naturang isyu.
Sa pagdiriwang ng 47th anibersaryo ng Jesus Is Lord Church Worldwide (JILCW) nitong Sabado, Oktubre 18, harapang sinagot ni Villanueva ang mga alegasyon at pinagtibay ang kanyang integridad at malinis na track record sa serbisyo publiko.
“Sino ba ang unang nag-expose ng flood control? Tapos ngayon, kasali ka daw? Edi wow,” ani ng senador sa kanyang talumpati.
“Kaya ko pong tingnan ang bawat isa sa inyo dito, mata sa mata — wala tayong flood control. Hindi tayo sangkot sa katiwalian.”
Ang pahayag ni Villanueva ay kasunod ng mga kumakalat na alegasyong may ilang mambabatas na sangkot umano sa anomalya sa pondo ng flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Iginiit ng senador na patuloy siyang sumusuporta sa pagsisiyasat ng ICI upang tuluyang mabunyag ang katotohanan at mapanagot ang mga tunay na may sala.
“Hindi ako natatakot sa imbestigasyon dahil wala akong tinatago. Ang mahalaga ay lumabas ang totoo,” dagdag ni Villanueva.
Nagpasalamat din siya sa mga miyembro ng JILCW sa patuloy na panalangin at suporta, at nanawagang ipagpatuloy ang pagpapanatili ng katapatan at malasakit sa bayan, sa gitna ng mga pagsubok at intriga sa politika.
