HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Commission on Human Rights (CHR) na makipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magamit ang pondo nito para mapanatili ang pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa pagdinig ng 2026 budget ng CHR, sinabi ni Gatchalian na “flexible” o may kalayaan sa paggamit ang mga social services fund ng DSWD, kaya maaari umano itong mapakinabangan ng komisyon.
“I encourage you to tap into the funds of the DSWD. Their social services program is quite flexible. I suggest that you coordinate with them,” ayon sa senador.
Nakasaad sa panukalang National Expenditure Program (NEP) na P16 milyon lamang ang inilaan sa CHR para sa financial assistance program nito, malayo sa P51 milyong orihinal na hiling ng ahensya.
Ayon sa CHR, patuloy na dumarami ang mga kahilingan para sa tulong-pinansyal mula nang makipag-ugnayan ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Justice (DOJ) Board of Claims upang mapabilis ang pagproseso ng tulong sa mga biktima ng human rights violations.
Ipinunto naman ni Gatchalian na sa mga nakaraang pagdinig sa badyet, lumilitaw na ang pamimigay ng tulong-pinansyal ay sentralisado na sa DSWD upang mas mapadali at mabantayan ang distribusyon.
“I agree with this move because it’s hard to monitor. One beneficiary might just go to several agencies,” paliwanag ni Gatchalian.
Sa panukala ng senador, makatutulong ang koordinasyon ng CHR at DSWD upang maiwasan ang duplication ng beneficiaries at matiyak na maayos at epektibong naipagkakaloob ang tulong sa mga tunay na nangangailangan. (MINA PADERNA)
