TINIYAK ng Manila Electric Co. (Meralco) na handa at naka-standby 24/7 ang kanilang mga crew upang agad tumugon sakaling magkaroon ng brownout o power interruption dulot ng Tropical Storm Ramil (Fengshen) na patuloy na nakaaapekto sa Luzon.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Oktubre 19, sinabi ni Joe Zaldarriaga, vice president at head ng corporate communications ng Meralco, na mahigpit nilang mino-monitor ang kilos ng bagyo habang nananatiling nakataas ang mga wind signal sa ilang bahagi ng kanilang nasasakupan.
“Ang aming mga crew at personnel ay naka-posisyon na sa mga strategic areas at nakahanda anumang oras upang tugunan ang mga power-related issues,” ani Zaldarriaga.
“Hinihikayat din namin ang mga customer na unahin ang kaligtasan at maging alerto, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.”
Paalala sa kaligtasan. Pinayuhan ng Meralco ang publiko na patayin ang main power switch, tanggalin sa saksakan ang mga appliances, at siguraduhing tuyo ang mga kagamitang de-kuryente bago muling gamitin kapag humupa na ang baha o ulan.
Batay sa ulat ng PAGASA, alas-5 ng hapon, si Bagyong Ramil ay namataan 85 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Iba, Zambales, habang may anim na probinsya sa ilalim ng Signal No. 2 at 29 probinsya sa Signal No. 1 habang papalayo na ito ng Luzon.
Tiniyak din ng Meralco na maglalabas ito ng mga abiso sa kanilang opisyal na social media pages hinggil sa mga update sa power restoration at mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang masamang panahon.
