MATAPANG na sinagot ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos nitong kuwestiyunin ang ginagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa umano’y katiwalian sa pondo ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa isang pahayag, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na “nakalulungkot” umano na mismong isang opisyal ng gobyerno, gaya ng pangalawang pangulo, ang nagdududa sa integridad ng ICI na siyang tumutugon sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na linisin ang anomalya sa paggamit ng pondo ng publiko.
“Ang tanong: may kinatatakutan ba siyang mabunyag sa ginagawang pag-iimbestiga kaya pilit niyang sinisiraan ng integridad ng ICI?” tanong ni Castro.
Matatandaang tinuligsa ni Duterte ang pagbuo ng ICI, aniya’y kaya naman daw ng Office of the President na imbestigahan ito sa loob lamang ng Malacañang gamit ang confidential funds, sa halip na magtatag pa ng bagong komisyon.
Ngunit giit ng Palasyo, ang mga pahayag ng bise presidente ay nakasasagabal umano sa kampanya laban sa korapsyon at sa pagsulong ng transparency sa pamahalaan.
“Kaawa-awa ang taong naturingang public servant, puro haka-haka lang ang sinasabi para makapanira sa gobyerno,” ayon kay Castro.
“Ang mga tahi-tahi niyang kuwento ay walang halaga. Hindi na dapat intindihin pa,” dagdag pa niya.
Depensa ni Castro, ang mga kasapi ng ICI ay mga eksperto at hindi pulitiko, na may matibay na reputasyon pagdating sa integridad at propesyonalismo.
“Kung wala kang tinatago, dapat mas gusto mo ang transparency,” diin ng opisyal.
Ang ICI ay binuo upang imbestigahan ang umano’y iregularidad sa paggamit ng flood control at public works funds, kabilang ang posibleng sabwatan ng ilang mambabatas, kontratista, at opisyal ng pamahalaan — isang hakbang na ngayon ay tila ikinaiinis ni Vice President Duterte, ayon sa Palasyo.
