TINIYAK ng Malacañang na walang pag-aalinlangan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumisita sa Davao Region matapos ang malakas na lindol na tumama sa lugar kamakailan.
Sa pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi niyang nananatiling kumpiyansa ang Pangulo sa kanyang kaligtasan at determinado itong personal na makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhang residente.
“Ang Davao po, ang mga Dabawenyo po, mababait na mga kababayan natin ‘yan. Alam po natin na sila ay may puso at alam po nila ang mga taong tunay na tumutulong sa kanila,” ani Castro.
Dagdag pa ng opisyal, hindi matitinag ang Pangulo sa kanyang tungkulin na makapunta sa anumang bahagi ng bansa upang tumulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
“Hindi po matatakot ang Pangulo na siya ay pumunta sa Davao, dahil ang mga Dabawenyo ay kababayan natin at sila po ngayon ay nangangailangan ng tulong. Huwag gawing pamumulitika ito para takutin ang Presidente para hindi pumunta sa Davao,” giit ni Castro.
“Hindi po matatakot ang ating Presidente pumunta sa anumang rehiyon ng bansa dahil siya po ang Presidente at siya po ay tutulong sa lahat ng nangangailangan nating kababayan,” dagdag pa niya.
Nakatakda umanong magtungo si Pangulong Marcos sa Davao upang personal na inspeksyunin ang pinsala at magpaabot ng tulong sa mga biktima ng lindol.
