WALANG legal na kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na mamigay ng libreng bigas, matapos umani ng batikos sa social media ang ahensya dahil umano sa kakulangan ng ayuda sa mga lugar na tinamaan ng malalakas na lindol.
Sa isang press briefing, sinabi ni PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na malinaw sa batas na tungkulin ng NFA ang magbenta ng bigas sa subsidized o murang halaga, at hindi ang mag-distribute nang libre.
“Unang-una po, alam natin na may mga ahensya talaga na nagbibigay ng ayuda. Ang mandato po ng NFA ay magbenta. Hindi po sila puwedeng mamigay. Bawal po ‘yan sa batas,” paliwanag ni Castro.
Dagdag pa ng opisyal, dapat aniyang malinawan ang publiko sa tamang mandato ng NFA upang maiwasan ang maling akala at pamomolitika sa isyu.
“Linawin po natin sa mga nagbibigay diyan ng kanya-kanyang opinyon… Ang NFA ay hindi po puwedeng magbigay ng bigas. Ang mandato po nila ay magbenta ng murang bigas,” giit ni Castro.
Pinaalalahanan din ng PCO ang publiko na ang pamimigay ng libreng ayuda ay saklaw ng iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD), habang ang NFA ay nakatuon sa stabilization ng presyo at suplay ng bigas sa merkado.
