
Inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagbitiw siya bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos umano siyang “bastusin” ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa harap ng publiko.
Ayon kay Magalong, nabastos umano siya nang ipahayag ni Castro sa isang press briefing nang sabihing wala siyang kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon sa ilalim ng kanyang appointment.
“Nakita n’yo naman, kumbaga para wala akong karapatang mag-imbestiga — ‘yan ‘yung mensahe doon sa nilabas ni Usec. Claire. Parang sinabihan ako na ‘wala kang karapatang mag-imbestiga kasi special adviser ka lang,’” ani Magalong.
Dagdag pa niya, hindi siya o si Secretary Vince Dizon ay nabigyan man lang ng abiso bago ang naturang pahayag.
“I struck a nerve, o kaya several nerves. May tinamaan ako kaya umaaray. Tapos nasa panic mode, kaya biglang nagkaroon ng gano’ng klaseng presscon na bigla-biglaan. ‘Di man lang ako sinabihan… binastos pa ako,” wika ng alkalde.
Matatandaan sa Palace press briefing noong Setyembre 26, sinabi ni Castro na malinaw ang utos ng Pangulo na si Magalong ay itinalaga lamang bilang special adviser, hindi bilang lead investigator o sinumang may awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon.
“Ang pagtalaga po sa kaniya ng Pangulo ay bilang special adviser at hindi po lead investigator or in any other form na pag-iimbestiga. Hindi po siya naitalaga sa pag-iimbestiga,” paliwanag ni Castro.
Ang ICI ay nilikha ng Malacañang upang imbestigahan ang umano’y malawakang korapsyon sa mga proyekto sa imprastruktura, kabilang ang flood control projects na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA.
