NANAWAGAN si Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima ng tunay na pananagutan at kalayaan sa imbestigasyon kasunod ng pagkakatalaga kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman ng bansa.
Ayon kay De Lima, kailangang ipakita ni Remulla na siya ay magiging “Tanodbayan ng taumbayan” at hindi tagapagtanggol ng mga nasa kapangyarihan.
“Now more than ever, we need a true Tanodbayan — an Ombudsman who is loyal to the people, not to the one who appointed him,” ani De Lima.
Hinamon din ng dating kalihim ng DOJ si Remulla na agad pabilisin ang pagresolba ng mga nakabinbing imbestigasyon at kasong may kinalaman sa korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Ngayong meron na tayong Ombudsman, dapat bilisan na ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso hindi lang sa maanomalyang flood control projects, kundi pati na sa iba pang talamak na katiwalian, pandarambong at sabwatan sa pamahalaan,” wika ni De Lima.
Dagdag pa niya, dapat ay walang sinisino si Remulla sa pagpapanagot ng mga sangkot sa katiwalian.
“Kung sino man ang tatamaan sa imbestigasyon ng kanyang tanggapan, lahat dapat kasuhan at panagutin. Wala siyang dapat sinuhin, wala siyang dapat santuhin. Pakinggan niya ang sigaw ng taumbayang galit na galit na sa katiwalian,” giit ng mambabatas.
Si Remulla ang pumalit kay dating Ombudsman Samuel Martires na nagretiro nitong buwan.
Inaasahan ng publiko na sa ilalim ng bagong pamunuan, mas paiigtingin ang kampanya laban sa korapsyon sa gitna ng mga isyung bumabalot sa mga proyekto ng gobyerno.
