NABABAHALA si Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa pagkakatalaga kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman, na aniya ay maaaring gamitin upang patahimikin ang mga kritiko ng administrasyon.
Sa isang pahayag na ipinost online, sinabi ni Barzaga na ang naturang hakbang ay nagbabanta sa kalayaan sa pulitika at posibleng magbukas ng pinto sa pang-uusig sa mga tumutuligsa sa mga makapangyarihang opisyal ng gobyerno.
“With Remulla as the new Ombudsman, the Marcos Administration will be able to freely imprison those against Romualdez like Marcoleta, Cayetano, and Tiangco. People power is the only path to justice now!” ani Barzaga.
Ang pahayag ni Barzaga ay kasunod ng opisyal na pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Remulla nitong Martes bilang bagong pinuno ng Office of the Ombudsman, isang konstitusyonal na ahensyang may tungkuling imbestigahan at kasuhan ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Binibigyang-diin ni Barzaga na sa ilalim ng bagong liderato, dapat manatiling malaya at tapat sa bayan ang tanggapan upang maiwasan ang pagdududa na ito’y nagiging kasangkapan ng kapangyarihan.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang pahayag mula sa kampo ni Remulla hinggil sa mga alegasyon ni Barzaga.
