Tinawag ni dating Ilocos Sur Governor Luis Chavit Singson na “weak president” si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na dati niyang kaalyado.
Aniya, si Marcos ang dapat managot sa mga trilyong pisong nasayang sa umano’y maanomalyang flood control projects.
“Kung hindi niya alam ang budget insertion, isa siyang mahina na pangulo. Kung may delicadeza siya, dapat pinatigil na niya ito,” giit ni Singson.
Dagdag pa niya, dapat simulan ang imbestigasyon sa mga proyekto sa Ilocos Norte, balwarte mismo ni Marcos, kung saan sangkot umano ang mga kumpanyang St. Matthew Construction, St. Gerrard Construction, St. Timothy Construction, at Alpha and Omega Construction na pag-aari ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Tinutulan din ni Singson ang pagpapalit ng liderato sa Kamara matapos magbitiw si dating Speaker Martin Romualdez dahil sa kontrobersiyang baha. Bagamat tinawag niyang “mabuting tao” si bagong Speaker Faustino “Bojie” Dy III, iginiit niyang walang tunay na pagbabago.
“Pare-pareho lang sila. Kahit sampung beses magpalit ng Speaker, wala ring pagbabago dahil wala nang tiwala ang taumbayan,” wika niya.
Nanawagan din siya ng isang “mapayapang pag-aaklas” laban sa pamahalaan, ilang araw bago ang nakatakdang malawakang protesta laban sa korapsyon sa Setyembre 21.
Sa isang panayam, hinikayat ni Singson ang kabataan at mga lider-estudyante na manguna sa pagkilos laban sa katiwalian sa gobyerno, kabilang ang pag-boycott ng klase hanggang sa bumaba ang mga tiwaling opisyal.
“Mas mabuti na mag-boycott kaysa sa lansangan dahil baka may gulo. Walang gulo, pero dapat may paninindigan,” aniya.
Nanawagan din si Singson sa militar, simbahan, negosyante, at iba pang sektor na magsama-sama upang mailuklok ang bagong pamunuan sa gobyerno.
Diin pa niya na ang sambayanan na ang nagsasakripisyo sa patuloy na katiwalian.
“Panahon na para walang kulay-pulitika. Sama-sama tayong itaboy ang mga tiwali,” aniya.
Matatandaang si Singson ang pangunahing whistleblower sa jueteng scandal na nagpatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada noong EDSA Dos, taong 2001.
Sa ngayon, nananatiling palaisipan kung susuportahan ng kabataan at mga sektor ang panawagan ng dating gobernador para sa isang mapayapang “rebolusyon” laban sa korapsyon. (ARNOLD PAJARON JR)
