LIBO-LIBONG estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad sa bansa ang nagsagawa ng sabayang walkouts at kilos-protesta bilang panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at wakas sa laganap na katiwalian.
Sa Ateneo de Manila University, nagtipon ang mga mag-aaral at organisasyon sa Red Brick Road kasama ang Akbayan at Kabataan Partylists, gayundin ang mga grupong Sanggunian, League of Filipino Students–Katipunan, at Ateneo Student Catholic Action.
Sa Ateneo de Davao University, pinangunahan ng Blue Knights for Human Rights ang martsa sa Sunken Garden upang kondenahin ang katiwalian at paglabag sa karapatang pantao.
Samantala, sa De La Salle University, nagsagawa ng human chain ang mga mag-aaral at guro sa labas ng kampus at sinundan ito ng candlelight protest laban sa sistematikong korapsyon.
Sa Bulacan State University, daan-daang estudyante ang nagmartsa mula sa Capitolyo hanggang sa mga tarangkahan ng paaralan, bitbit ang mga plakard laban sa katiwalian. Iginiit ng mga lider-estudyante ang papel ng kabataan sa pagpapanagot sa mga pinuno, habang sinamahan sila ng mga guro at manggagawa na nag-ugnay ng laban sa usapin ng serbisyong panlipunan at kalayaan sa akademya.
Sa Cavite State University, nakasuot ng itim ang mga estudyante sa paglahok sa programang “Laya’t Diwa,” na naglatag ng mga isyu mula sa korapsyon at kaltas sa badyet hanggang sa komersyalisasyon at karapatan sa kasarian.
Sa Tarlac State University, sa kabila ng pagbabawal sa pagtitipon, pinangunahan ng Supreme Student Council ang lightning rally sa harap ng College of Business and Accountancy building, kasama ang mga progresibong organisasyon.
Samantala, higit 7,000 miyembro ng komunidad ng University of the Philippines Los Baños ang lumahok sa pinakamalaking walkout ng paaralan sa nakalipas na anim na taon, na nagtipon sa Oblation Park. Mariin nilang kinondena ang diumano’y paglustay sa pondo ng bayan sa gitna ng krisis sa edukasyon, trabaho, at karapatan. Inilunsad din nila ang UP Action Los Baños, isang alyansa laban sa korapsyon.
Sa University of the Philippines Mindanao, humigit-kumulang 600 estudyante, guro, at kawani ang naglunsad din ng university-wide walkout upang iprotesta ang katiwalian at kaltas sa badyet para sa edukasyon. (MINA PADERNA)
