TINIYAK ngayon ni Education Secretary Sonny Angara na mas mapapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa dahil nakuha nito ang may pinakamataas na inilaang budget sa ilalim ng 2026 proposed National Budget.
Lubos ang pasasalamat ni Sec. Angara kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. at sa Senado dahil sa pagsuporta sa “wishlist” na ₱193.5 bilyong piso na budget na magiging dahilan upang makapagpatayo ng karagdagang silid aralan at makakuha ng dagdag na mga guro.
Kabilang dito ang malalaking alokasyon para sa school infrastructure (₱57 billion), school-based feeding program (₱50 billion), computerization (₱23 billion), textbooks and other instructional materials (₱18 billion), disaster preparedness and response (₱13 billion), at ARAL learning recovery program (₱4.8 billion).
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ng locally funded flood control projects ay irereallocate sa social services. “Pero ‘yung locally funded kung tawagin na project that amounts to about 225 billion, we will reappropriate it to education, to health, and other departments that are in need of this funding,” ani ng Pangulo.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga senador para bigyang-prayoridad ang edukasyon. Ayon kay Sen. Bam Aquino, chairperson ng Basic Education Committee: “Let me just manifest that we are in full support of DepEd and with everything that’s happening, itong lahat ng nangyayari, I’m really hoping that we can funnel these initiatives which we know can truly help our people and help our children.”
Iginiit din ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Finance Committee, na dapat mapunta ang fiscal windfall sa edukasyon. “We are in agreement to focus that windfall on education. Kung kami tatanungin ni Senator Bam, talagang gusto namin ibuhos sa education, basic education in particular,” aniya.
Hiningi rin ni Gatchalian sa DepEd ang itemized breakdown ng panukalang dagdag-badyet upang masuri at ma-follow up ng komite. Iminungkahi rin niya na hayaan ang Senate finance panel na pumili kung aling mga item ang dapat unahing pondohan.
Kabilang sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Migz Zubiri, Sen. Joel Villanueva, at Sen. Rodante Marcoleta sa mga nagpahayag ng tiwala at suporta sa pamumuno ni Angara sa DepEd.
Tiniyak ni Angara sa mga mambabatas na mananatiling mahigpit ang DepEd pagdating sa transparency, accountability, at agarang paggamit ng pondo. “Titiyakin po natin na walang masasayang sa ating budget. Safeguards are in place to make sure resources reach schools and learners without delay,” ani ng Kalihim.
Dagdag pa niya, malaking puhunan ang badyet na ito para sa kinabukasan ng bansa. “Hindi po ito simpleng dagdag na pondo lang. Para sa akin, bawat piso dito ay katumbas ng mas maayos na silid-aralan, mas masustansyang pagkain para sa bata, mas maayos na suporta sa ating mga guro. Ito ang puhunan natin para sa kinabukasan ng kabataan at ng bansa,” giit ni Angara.
Saklaw ng panukalang badyet ng DepEd para sa 2026 ang mga programa tulad ng feeding at inclusive education, imprastruktura, training ng guro, at learner support.
Ayon sa kagawaran, patuloy itong makikipagtulungan sa Kongreso upang plantsahin ang mga prayoridad habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa pambansang badyet.
