PINABABALIK na ng Kamara si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co matapos ipawalang-bisa ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang travel clearance kaugnay ng isyu ng maanomalyang flood control projects.
Sa isang liham na may petsang Setyembre 18, inutusan ni Dy si Co na umuwi sa Pilipinas sa loob ng sampung araw matapos matanggap ang abiso.
“Please be advised that your existing Travel Clearance for your personal trip is hereby revoked effective immediately,” ayon sa notice. Dagdag pa rito, ang pagbawi ng clearance ay para sa “paramount interest of the public” at dahil sa mga kagyat na pambansang usaping nangangailangan ng kanyang pisikal na presensya.
Babala ni Dy, ang hindi pagsunod ni Co ay maaaring ituring na pagtanggi na sumailalim sa mga legal na proseso ng Kamara at magbubunga ng kaukulang disciplinary at legal actions.
Batay sa House rules, ang patuloy na pagsuway ay maaaring magresulta sa suspensyon o tuluyang pagpapatalsik, gaya ng nangyari kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na nahaharap ngayon sa kasong multiple murder, illegal possession of firearms, at terrorism.
Si Co, na itinuturing na malapit kay dating Speaker Martin Romualdez, ay kabilang sa mga mambabatas na nadawit sa kontrobersyal na flood control projects na iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Matatandaan na nitong kamakailan lang ay lumipad patungong Estados Unidos si Co para umano sa “medical treatment.”
