SINUSPINDE ng Ombudsman ng anim na buwan ang 16 na tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project sa Bulacan. Ang preventive suspension ay epektibo simula Setyembre 18, ayon sa utos na nilagdaan ni Acting Ombudsman Dante Vargas.
Saklaw ng suspensyon ang mga pinuno at officer-in-charge ng Construction, Planning and Design, Maintenance, Quality, Administrative, Budget, at Procurement Sections, pati na rin ang ilang project engineers, cashier at iba pang kawani ng DPWH Bulacan First Engineering District Office, kung saan nadiskubre ang bulk ng umano’y ghost projects.
Ayon sa Ombudsman, layon ng hakbang na maiwasan ang posibleng pakikialam ng mga sangkot sa ebidensya at upang maprotektahan ang mga pampublikong rekord habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bago pa man ang suspensyon, naghain na ng kasong kriminal si DPWH Secretary Vince Dizon laban sa ilang opisyal ng distrito kabilang sina dating District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Construction Section Chief Jaypee Mendoza, at Chief Accountant Juanito Mendoza. Sa isang memorandum noong Setyembre 19, iniutos ni Dizon ang agarang implementasyon ng suspensyon.
Noong nakaraang pagdinig sa Senado, sinabi ni Dizon na balak ng DPWH na magsampa ng tig-iisang kaso ng katiwalian linggu-linggo. Gayunman, binago niya ang plano at iginiit na ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na nilikha sa bisa ng executive order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ngayon ang magsasampa ng mga kaso sa Ombudsman o sa korte.
Samantala, iniendorso rin ni Commission on Audit (COA) Chairperson Gamaliel Cordoba ang karagdagang fraud audit reports sa mga flood control project sa Plaridel, Pandi, at Bocaue, Bulacan.
Batay sa ulat, nagkakahalaga ng ₱389.6 milyon ang mga proyektong pinagdududahan, na umano’y peke, walang sapat na dokumento, hindi tugma ang lokasyon, o kaya’y may depektibong bid plans.
Patuloy ang malawakang imbestigasyon ng ICI, Ombudsman, at COA sa mga umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng daan-daang milyon.
