NILINAW ni Senate Blue Ribbon Committee chairperson Sen. Panfilo Lacson na hindi pa nalilinis ang pangalan nina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project sa Bulacan.
Ayon kay Lacson, ang pagpayag na makaharap ng dalawang senador ang mga nag-aakusa sa kanila sa pagdinig ay hindi nangangahulugang “off the hook” na sila.
“By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth P600M and P355M respectively, as alleged by Engr. Brice Hernandez,” ani Lacson sa kanyang pahayag.
Sa Senate hearing, kinumpirma ni Lacson na mayroong dalawang insertion na nakita sa ilalim ng Unprogrammed Fund ng 2023 General Appropriations Act (GAA), kabilang ang ₱600 milyon na iniuugnay kay Villanueva para sa flood control projects sa Bulacan.
Bagama’t itinanggi ni Villanueva ang paratang, ipinakita ni Sen. Sherwin Gatchalian ang dokumentong naglalaman ng entry na eksaktong tumutugma sa halaga.
Bukod dito, sinabi ni Lacson na natukoy din ang ₱355 milyon na umano’y nakapasok sa regular budget ng 2025 GAA, na ayon kay Hernandez ay nagmula kay Estrada. Mariin namang itinanggi ng senador ang akusasyon.
Upang patunayan ang kanilang pagiging inosente, parehong nagpahayag sina Villanueva at Estrada na handa silang lumagda sa waiver para mabusisi ang kanilang bank accounts.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga anomalya sa flood control projects sa bansa.
