
ISINUKO ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan assistant district engineer na si Brice Hernandez ang isa sa kanyang mamahaling sasakyan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Biyernes, Setyembre 19.
Ayon kay ICI chairperson at retired Supreme Court associate justice Andres Reyes, “boluntaryong isinuko” ni Hernandez ang itim na GMC Yukon Denali SUV bilang “palatandaan ng mabuting loob at kahandaan niyang makipagtulungan.” Tinatayang nagkakahalaga ng ₱12 milyon ang nasabing sasakyan, na sa Estados Unidos ay ibinebenta ng humigit-kumulang $80,000 o ₱4.5 milyon.
Bukod dito, inaasahang isusuko rin ni Hernandez ang iba pa niyang luxury cars kabilang ang isang Ferrari at isang Lamborghini. Ang mga ito ay ilalagay sa kustodiya ng ICI at balak ding ipasailalim sa auction.
Isinagawa ang turnover matapos makipagpulong si Hernandez sa ICI, na kasalukuyang nag-iimbestiga sa mga flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura sa nakalipas na sampung taon.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na nagsisilbing special adviser ng ICI, naging “tell-all” si Hernandez at nagbigay ng mahahalagang impormasyon na makakatulong sa pagtukoy ng iba pang sangkot.
“Very relevant ‘yung mga revelations niya. Talagang tell all siya… Magandang lead ito para sa mga imbestigasyon,” ani Magalong, na dati ring hepe ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kasalukuyang iniimbestigahan si Hernandez ng Kamara at Senado kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project sa Bulacan. Nauna na rin niyang idinawit sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa sinasabing mga kickback, bagay na mariing itinanggi ng dalawang mambabatas.
Tiniyak ng ICI na mag-iimbita pa ito ng mas maraming personalidad sa mga susunod na araw para lalong mapalalim ang imbestigasyon. (MINA PADERNA)
